Bumaba na sa anim ang bilang ng mga hindi operational na gasolinahan sa Mindanao mula sa 12 sa huling tala ng Department of Energy (DOE), kasunod ng patuloy na pagbangon ng mga lugar na naapektuhan ng lindol.
Ayon sa DOE, anim na karagdagang gasolinahan ang muling nagbukas ng operasyon, indikasyon ng unti-unting normalisasyon ng mga serbisyo sa mga apektadong komunidad.
Ang nasabing anim na gasolinahan na nananatiling sarado ay matatagpuan sa Region XII mula sa kabuuang bilang na 894.
Tiniyak din ng ahensya na sapat at matatag ang suplay ng langis sa buong Mindanao.
Nananatili ring operational ang lahat ng fuel depots at LPG refilling plants upang masuportahan ang pangangailangan ng mga residente at mga pangunahing serbisyo.
Patuloy na mino-monitor ng DOE, katuwang ang mga kumpanya ng langis, ang fuel distribution at restoration activities upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga natitirang apektadong gasolinahan at walang patid na suplay ng produktong petrolyo sa Mindanao.