Naglunsad ng hiwalay o parallel investigation ang Philippine Coast Guard (PCG) matapos maaresto ang isa nitong tauhan sa Biliran kaugnay ng umano’y kasong pangingikil na kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group o CIDG-Biliran, naaresto ang Seaman First Class ng PCG sa isang entrapment operation noong Hunyo 19 matapos umanong mangikil ng pera mula sa mga lokal na mangingisda. Nahuli ang suspek habang tinatanggap ang marked money mula sa nagreklamo.
Dahil dito, inatasan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang mga kinauukulang yunit na makipagtulungan sa imbestigasyon at magsagawa rin ng administratibong pagsisiyasat upang matukoy kung may nalabag na mga polisiya ng Coast Guard.
Binigyang-diin ni Gavan na mahigpit ang laban ng PCG sa korapsyon at anumang uri ng maling asal sa serbisyo.
Samantala, sinabi ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na kung mapatutunayang may sala ang nasabing tauhan matapos ang due process, maaari itong maharap sa administratibong parusa kabilang ang pagtanggal sa serbisyo, bukod pa sa anumang kasong kriminal na maaaring ipataw ng hukuman. Patuloy namang tiniyak ng PCG ang kanilang pangako sa integridad, propesyonalismo, at pananagutan sa serbisyo publiko.
📸 PCG