Apat na Taiwanese nationals ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) matapos mahuling ilegal na pumasok sa Pilipinas sakay ng isang yate sa Pasay City. Dalawa sa kanila ay wanted sa Taiwan dahil sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga.
Isinagawa ang operasyon ng BI Intelligence Division sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos makatanggap ng intelligence report hinggil sa mga dayuhang suspek.
Nahuli sa isang yate sa Reclamation Area sa Pasay ang mga suspek na sina Hung Pin Sheng, Weng Pai Chen, Chen Chin Chih, at Liang Chia Hua.
Sa beripikasyon ng BI, nakumpirmang pawang Taiwanese nationals ang mga suspek. Lumabas din sa rekord na sina Weng Pai Chen at Chen Chin Chih ay mga pugante at hinahanap ng mga awtoridad sa Taiwan dahil sa drug-related offenses. Samantala, may nauna ring criminal records sa Taiwan sina Hung Pin Sheng at Liang Chia Hua.
Iniimbestigahan din ang apat dahil sa paglabag sa immigration laws, kabilang ang illegal entry at pagiging fugitives from justice. Kasalukuyang nakakulong ang apat sa BI Warden Facility sa Bicutan, Taguig habang dinidinig ang kanilang deportation case. Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, patuloy na paiigtingin ng BI ang pagbabantay sa mga border ng bansa upang hindi magamit ang Pilipinas bilang kanlungan ng mga dayuhang kriminal at pugante.
📸 BI