Tinatayang mahigit 137 ektarya ng lupain sa Sarangani at Davao Occidental ang posibleng naapektuhan ng landslide bunsod ng malakas na lindol noong Hunyo 8.
Ayon sa Philippine Space Agency (PhilSA), natukoy ang mga apektadong lugar sa mga bayan ng Glan, Sarangani, at Jose Abad Santos, Davao Occidental gamit ang mga satellite image na kuha bago at matapos ang lindol.
Batay sa pagsusuri, nakitaan ng malaking pagkawala ng vegetation o mga halamang tumatakip sa lupa ang mga nasabing lugar, na indikasyon ng posibleng pagguho ng lupa.
Sinabi ng PhilSA na ginagamit nito ang satellite data upang matulungan ang NDRRMC at PHIVOLCS sa pagtukoy ng mga lugar na dapat bigyang-prayoridad sa monitoring at response operations.
Patuloy ang pagmamanman ng ahensya habang hinihintay ang ground validation sa mga natukoy na landslide area.