Inaprubahan na ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) Board ang nasa ₱1.6 bilyong halaga ng infra projects na layong i-modernisa ang mahahalagang pasilidad para sa pangisdaan.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), kabilang sa mga inaprubahang proyekto ang rehabilitasyon at upgrading ng mga gusali at pasilidad sa Market Halls 1 at 2 sa ilalim ng Phase III ng PFDA-NFPC Modernization Program, gayundin ang Phase II ng PFDA-NFPC Shipyard Development Project.
Ayon kay PFDA Acting General Manager Glen A. Pangapalan, palalawakin ng upgrades sa Navotas Fish Port ang lawak ng complex ng halos 25 ektarya.
Aniya, hindi bababa sa 30,000 katao ang direktang nakikinabang sa operasyon ng PFDA-NFPC, na umaabot sa humigit-kumulang 50,000 sa panahon ng peak season.
Inaprubahan din ng Board ang pagtatayo ng San Vicente Modern Fish Port sa Palawan, isang proyektong inaasahang magpapahusay sa paghawak, kalakalan, at mga post-harvest operation ng isda sa lalawigan.
Nakatakdang matapos ang Phase II ng PFDA-NFPC project sa Disyembre ngayong taon, habang ang Phase III ay inaasahang makukumpleto sa Hunyo ng susunod na taon. Samantala, target matapos ang proyekto ng San Vicente fish port sa taong 2028.