Hanggang ngayong alas-7 ng umaga, hindi pa rin madaanan ng mga motorista ang bahagi ng Maysilo-M.H. Del Pilar corner Yanga Street sa Malabon City dahil sa bumagsak na mga poste ng kuryente.
Ayon sa Malabon LGU, natumba kagabi, June 21 ang mga poste matapos ang malakas na pagbuhos ng ulan. Nabagsakan nito ang isang nakaparadang tricycle habang natumba naman ang isang maliit na poste sa bubong ng isang bahay.
Walang naiulat na nasugatan bagamat ilang kabahayan ang nawalan ng kuryente dahil sa insidente.
Sa ngayon, patuloy ang pagkukumpuni ng mga tauhan ng Meralco kung saan dalawang poste na ang naialis.
Patuloy naman ang pakiusapan ng mga traffic enforcer ng Malabon sa mga motorista na huwag nang lumusot sa saradong kalasada.
Pinapayuhan ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta. Para sa mga biyaheng Panghulo, Santulan, at Arkong Bato, maaaring dumaan mula Gov. Pascual Avenue patungong Concepcion-A. Reyes Street, saka kumaliwa sa Muzon-Dampalit Road.
Para naman sa mga truck at mabibigat na sasakyan, maaaring gamitin ang MacArthur Highway papuntang Malinta, Valenzuela bilang alternatibong daan.