Upang mapalakas ang kakayahan ng bansa sa pagharap sa mga sakuna, inihain ni Akbayan Party-list Representative Chel Diokno ang House Resolution No. 1127 upang imbestigahan ang kaugnay ng naging epekto ng malakas na lindol na yumanig sa Mindanao noong June 8.
Sa pamamagitan ng resolusyong ito, inaatasan ang House Committee on Disaster Resilience na magsagawa ng pagdinig.
Ayon kay Diokno, dahil ang Pilipinas ay madalas tamaan ng lindol, mahalaga na suriin kung gaano kaepektibo ang search and rescue operations, pamamahagi ng relief goods, at kung paano ginamit ang mga disaster funds ng pamahalaan.
Batay sa pinakahuling ulat, umabot sa 68 katao ang nasawi sa nasabing lindol.
Iniwan din nito ang malaking pinsala kung saan mahigit 400 kabahayan ang tuluyang nawasak, mahigit 2,000 ang bahagyang nasira, at nasa 117 pasilidad ng gobyerno at 20 tulay ang napinsala.
Naapektuhan din ang sektor ng edukasyon matapos maantala ang klase ng halos limang milyong mag-aaral at mahigit 156,000 school personnel sa Mindanao.
Kaugnay nito, isinusulong din ni Diokno ang House Bill No. 6615 o ang New Philippine Building Act upang matiyak na ang mga itatayong gusali sa bansa ay earthquake-resilient o kayang lumaban sa malalakas na pagyanig.