Magpapatupad ang Philippine National Police (PNP) ng komprehensibong seguridad at koordinasyon para sa nakatakdang “White Ribbon Movement” rally sa EDSA People Power Monument sa June 28.
Kasunod nito, inatasan ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at mga kaugnay na regional office na tingnan ang mga posibleng banta sa seguridad sa paligid ng EDSA People Power Monument.
Gayundin sa iba pang kalapit na gusali gaya ng EDSA Shrine upang masiguro ang kapayapaan at kaayusan, gayundin ang kaligtasan ng mga kalahok at ng publiko.
Bagaman iginagalang ng PNP ang karapatan ng bawat isa sa malayang pamamahayag, sinabi ni Nartatez na mananatiling apolitical ang PNP at kanilang tututukan ang kaayusan at kaligtasan ng lahat.
Una rito, nanawagan ang mga religious at civil society groups sa publiko para sa isang pambansang martsa upang isulong ang mga repormang elektoral, mas matibay na pananagutan sa pamahalaan, at mas maigting na aksyon laban sa korapsyon at mga political dynasty.
Pangungunahan ito ng Inter-Religious Leaders Council for National Transformation (IRCNT) at inaasahang dadalo ang mga kalahok mula sa mga faith-based organization at iba’t ibang grupo ng civil society.