Naka-alerto na ang mga emergency at disaster response unit ng Philippine National Police (PNP) habang lumalakas ang Bagyong Francisco na pinatitindi ng epekto ng habagat.
Iniutos ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang activation ng mga emergency response team sa buong bansa para sa agarang tulong.
Ayon kay Nartatez, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang PNP sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Nakahanda rin ang mga tauhan ng pulisya para sa preemptive evacuations at iba pang operasyon.
Bagama’t hindi inaasahang magla-landfall, maaari nitong palakasin ang habagat at magdulot ng malalakas na pag-ulan na posibleng magresulta sa pagbaha at pagguho ng lupa.
Dahil dito, hinimok ng PNP ang publiko na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga ng abiso ng awtoridad. | ulat ni Diane Lear