Personal na inispeksiyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nagpapatuloy na pagsasaayos ng segment 3A ng Metro Cebu Expressway, sa Naga na napinsala noong 2023, makaraang gumuho ang lupa.
Dahil sa mga safety concern at environmental issues, ipinatigil muna ang konstruksyon nito noong 2024.
Ayon kay Pangulong Marcos, malapit nang matapos ang kalsada.
Ngayong araw (June 22), maaari na aniya itong madaanan muli.
Tinatapos na lamang aniya ang slope protection nito kontra sa panibagong insidente ng pagguho ng lupa.
Sabi ng Pangulo, malaking bagay ang pagsasaayos sa kalsadang ito, lalo na para sa mga empleyado ng kalapit na planta na kailangang lakarin ang kalsada, umulan man o umaraw.
Kailangan aniyang alagaan ng pamahalaan ang mga mamumuhunan sa bansa, dahilan kung bakit pinabilisan ang pagsasaayos sa kalsada.
Sabi ng Pangulo, ang proyekto ay binubuo lamang ng dalawang lanes. Ngunit tinutukan aniya ito ng pamahalaan, at nai-akyat sa apat na lanes ang kalsada.
Sa ganitong paraan, kahit na magkaroon pa ng panibagong pagguho ng lupa, sakali man na kailangang isara ang lanes na katabi ng bundok, mayroon pa ring matitirang lanes na mananatiling bukas para sa mga motorista.
Mula 25 minuto, magiging 10 minuto na lang ang biyahe mula Barangay Pangdan hanggang Naga Valley Industrial Park sa oras na matapos ang rehabilitasyon ng 4.55-kilometrong Metro Cebu Expressway (MCE) Segment 3A sa Naga City, Cebu.