Nalulungkot at dismayado si dating Speaker Martin Romualdez sa naganap na trahedya ng pamamaril sa San Jose National High School sa Lungsod ng Tacloban, na kumitil sa buhay ng mga mag-aaral at nag-iwan ng ilan pang sugatan.
Nakikiramay ang dating speaker sa mga pamilya ng mga biktima, sa mga sugatang mag-aaral, kanilang mga kaklase, guro, at sa buong komunidad ng paaralan dahil sa trahedya.
Inatasan ni Romualdez ang kanyang tanggapan na makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad at mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan upang tukuyin kung anong tulong ang maaaring maipabot sa mga apektadong pamilya.
Nananawagan din ang dating House leader sa law enforcement agencies na magsagawa ng isang masusi at mabilis na imbestigasyon upang ang lahat ng may pananagutan ay maparusahan.
Samantala, kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang TINGOG Party-list sa mga kinauukulang ospital, sa Pamahalaang Lungsod ng Tacloban, DepEd, at iba pang pambansang ahensya upang matiyak na matatanggap ng mga sugatang mag-aaral ang lahat ng kinakailangang atensyong medikal.
Ayon kay Rep. Jude Acidre, magpapaabot sila ng tulong para sa hospitalisation, gamot, laboratoryo, follow-up treatment, transportasyon, at iba pang agarang medical assistance. | ulat ni Melany Reyes