Tatlong mag-aaral, kabilang ang dalawang babae at isang lalaki, ang nasawi sa nangyaring pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ito ang kinumpirma ni Police Regional Office 8 Director Police Brigadier General Jason Capoy.
Ayon kay Capoy, bukod sa tatlong nasawi ay pito pa ang nasugatan sa insidente, kabilang ang apat na babae at tatlong lalaki na karamihan ay mga mag-aaral sa Grade 9.
Nasa maayos naman aniya ang kalagayang ng iba pang sugatan.
Sa pagkakaaresto sa dalawang suspek na kapwa Grade 9 students na may edad 14 at 15, narekober ng mga awtoridad ang mga ginamit na armas na isang Glock pistol at isang .38 caliber revolver.
Dadalhin ang dalawang menor de edad na suspek sa City Social Welfare and Development Office ng Tacloban City.
Dagdag pa ni Capoy, dalawang silid-aralan ang pinangyarihan ng walang habas na pamamaril, bagama’t hindi umano ang mga nasugatang estudyante ang pangunahing target.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya, kabilang ang pag-alam kung may kaugnayan sa bullying ang motibo sa krimen. | ulat ni Diane Lear