Nagpapatuloy ngayong araw ang pre-trial conference sa Senado bilang paghahanda sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang press conference, ipinahayag ni lead prosecutor Rep. Gerville Luistro na kasalukuyan na ang pagmamarka sa mga ebidensya sa ilalim ng Article 1 (Confidential Funds) at Article 2 (Unexplained Wealth).
Ayon kay Luistro, minamadali na nila ang pre-marking upang umabot sa itinakdang deadline bago ilabas ang pre-trial order.
Base sa kalendaryo ng Senado, may hanggang June 25 ang magkabilang panig para tapusin ang prosesong ito.
Samantala, pormal nang ipinakilala ng House prosecution team si Atty. Benjamin Tolosa Jr. bilang isa sa mga magiging tagapagsalita ng panel para sa paglilitis. Ayon kay Luistro, tatayo rin si Atty. Tolosa bilang private prosecutor sa kaso. Si Tolosa ay kilalang Founding at Managing Partner, at kasalukuyang Head ng Litigation and Dispute Resolution sa kanyang sariling law firm.