Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang Department of Education (DepEd) kaugnay sa insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd na itinuturing nila itong isang high-alert situation, kaya mahigipit na nakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga opisyal ng nasabing paaralan at mga awtoridad para matiyak ang kaligtasan at seguridad sa loob ng eskwelahan.
Kasabay nito, nakikipagtulungan ang DepEd sa iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan para maihatid ang kinakailangang tulong medikal at mga psychosocial interventions para sa mga apektadong mag-aaral at personnel.
Mariin ding kinondena ng kagawaran ang insidente at nagpahayag ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima.
Hinimok naman ng DepEd ang publiko na igalang ang privacy at dignity ng lahat ng batang sangkot at hayaang magsagawa ng masusing imbestigasyon ang mga kinauukulang awtoridad.
Matatandaang tatlo ang nasawi at pito ang nasugatan matapos ang nangyaring pamamaril ng dalawang menor de edad na estudyante rin ng naturang paaralan.