Photo from DSWD
Nakatakdang simulan na bukas, June 23 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng Emergency Cash Transfer (ECT) para sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Davao Occidental, Sarangani, at General Santos City.
Ayon kay Disaster Response Management Bureau Dir. Maria Isabel Lanada, personal na bibisita si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa ilang lugar na naapektuhan ng lindol gaya ng Glan at Malapatan sa Sarangani, General Santos City, at Balut Island at Jose Abad Santos sa Davao Occidental para pangunahan ang pamamahagi ng ayuda.
Bahagi ang ECT ng early recovery phase ng pamahalaan para matulungan ang mga pamilya sa pagpapaayos ng nasirang bahay at pagbili ng iba pang pangunahing pangangailangan matapos ang naunang pamamahagi ng family food packs at non-food items.
Ayon sa DSWD, nasa 84,580 bahay ang naitalang nasira o bahagyang nasira dahil sa lindol.
Inaasahang makatatanggap ng emergency cash assistance ang mahigit 139,000 pamilya mula sa Region 11 o Davao Region at Region 12 o SOCCSKSARGEN, na may nakalaang pondo na mahigit ₱799.59 milyon.