Photo from Presidential Communications Office
Kaliwa’t kanang hakbang ang ginagawa ng Marcos Administration upang masiguro ang katatagan ng sektor ng agrikultura ng Pilipinas, lalo’t sa harap ng pinaghahandaang epekto ng pagtama ng El Niño sa bansa.
Sabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang inagurasyon ng Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation Project (SRIP) sa Mabini, Bohol ay sumasalamin lamang sa mga inisyatibong ito ng gobyerno.
“Higit sa lahat, itinataguyod natin ang makabagong pamamaraan sa pagsasaka na angkop sa klima, gaya ng paggamit ng solar pump at water reuse o recycling sa mga lugar na madalas maapektuhan ng tagtuyot.” —Pangulong Marcos
Aniya, tungkulin ng pamahalaan na pantayan ang sipag ng mga magsasaka, kaya’t gumagawa ang pamahalaan ng mga pasilidad at nagbibigay ng mga kagamitan upang matiyak na hindi masasayang ang pagod at sakripisyo ng mga ito.
”Sa aking talumpati noon, ibinahagi kong malapit nang matapos ang Mabini Cayacayay irrigation project. Ang aking muling pagbisita ngayon ay patunay sa ating pangakong natupad sapagkat natapos na rin natin itong Mabini Cayacay Strip noong nakaraang Nobyembre.”-Pangulong Marcos
Sa pamamagitan ng proyektong ito, masusuportahan ang irigasyon sa 530 ektarya na sakahan sa limang barangay sa Mabini at Alicia dito sa Bohol.
Dahil sa sapat na supply ng tubig, inaasahang tataas ang ani ng palay at mga high-value vegetable crops sa lugar.
Ayon sa Pangulo, mula sa dalawang beses sa isang taon na pagtatanim dahil sa proyektong ito, maaari nang magtanim ang mga magsasaka sa lugar ng tatlong beses sa isang taon.
Sa kabuuan, mapapakinabangan aniya ito ng higit na 700 magsasaka mula sa Mabini, Cayacay Irrigators Association.
”Tiyak na makakatulong ito sa lokal na supply ng pagkain. Kasabay nito, mababawasan ang kanilang pangamba sa epekto ng El Niño, sapagkat may maaasahang pagkukunan ng tubig para sa mga pananim.” -Pangulong Marcos