Photo courtesy of Coast Guard District Northern Eastern Luzon
Muling pinapayuhan ang mga maglalayag, magbe-beach o sino mang pupunta sa dagat sa hilaga at hilagang silangan ng Cagayan at Isabela simula bukas, June 23, dahil sa posibleng babagsak na debris bandang alas-10 ng umaga.
Kasabay nito ay nanawagan ang mga otoridad na i-report sa mga otoridad ang makikitang debris sa karagatan dahil sa muling pagpapakawala ng rocket ng China, sa araw na iyan.
Ayon sa Coast Guard District North Eastern Luzon, nakatakdang maglunsad ang People’s Republic of China ng Long March 7A rocket mula sa kanilang Wenchang Space Launch Site sa Wenchang, Hainan sa pagitan ng alas-10:02 hanggang alas-11:04 ng umaga bukas.
Inaasahan na bahagi ng Long March 7A rocket ay babagsak sa mga tinukoy na drop zones sa 42 nautical miles (NM) mula Burgos, Ilocos Norte; at 65 NM sa Dalupiri Island, Cagayan bilang, drop zone 1. Drop zone 2 naman sa tinatayang 60 NM sa Santa Ana, Cagayan; at 72 NM sa Camiguin Norte, Calayan, Cagayan.
Pinapayuhan ang mga mamamayan na huwag pulutin o hawakan ang ano mang suspected rocket debris imbes ay i-report ito sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard o sa pinakamalapit na otoridad sa kanilang mga lugar.