Mariing kinondena nina Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang naganap na pamamaril sa San Jose National High School na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilan pang kabataan.
Ipinaabot ni De Lima ang kanyang pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawing biktima.
Diin ng mambabatas, kailangang magtulungan ang mga local government unit (LGU), Department of Education (DepEd), Department of the Interior and Local Government (DILG), at iba pang ahensya ng pamahalaan upang makabuo ng isang sistema o mekanismo na magtitiyak na hindi na muling mauulit ang naturang trahedya.
Samantala, nais naman ni Tinio na magsagawa ang Kamara ng hiwalay na imbestigasyon hinggil sa mga insidente ng karahasan sa mga paaralan sa Tacloban City.
Ayon sa kongresista, malinaw na ipinakikita ng insidente ang kakulangan sa school support infrastructure at hindi lamang isang isolated criminal behavior.
Nanawagan din si Tinio na maghatid ng komprehensibong kalinga, psychosocial support, at proteksyon para sa mga mag-aaral ng San Jose National High School.