Hinamon ni House trial spokesperson Zia Alonto Adiong si Vice President Sara Duterte na huwag magtago sa likod ng mga dokumento.
Ayon kay Adiong, kung ibabatay sa mga unang araw ng pagdinig kabilang na ang naganap na pre-trial conference, kapansin-pansin na wala talagang planong humarap ng personal ang Bise Presidente.
Sa katunayan aniya, pumirma na lamang umano ito ng Special Power of Attorney o SPA upang mga abogado na lamang niya ang pumunta sa pre-trial.
Paliwanag ng mambabatas, kung sisipot ang pangalawang pangulo sa paglilitis, makakatulong ito sa kanyang mga supporters at hindi puro na lang “ghosting”.
Bagamat nagpahayag ang tagapagsalita ni VP Duterte na dadalo ito sa mismong paglilitis, hihintayin pa rin ng publiko kung kailan ito mangyayari.
Dagdag pa ng mambabatas, mahirap umanong ipagtanggol ang isang tao na siya mismong ayaw magpa-depensa sa pamamagitan ng pagharap sa korte.