Inaasahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tataas ang ani lalo na ang palay at high value vegetables ng Bohol dahil sa sapat na supply ng tubig, at ang patuloy na isinasagawang mga proyektong patubig sa lalawigan.
Sa ilalim ng kanyang administrasyon, itinataguyod ang pagpapagawa ng Small Reservoir Irrigation Project (SRIP) kagaya ng Mabini-Cayacay SRIP sa bayan ng Mabini, Bohol.
Ngayong araw, June 22, pinasinayaan ng Pangulo ang naturang proyekto na nagkakahalaga ng ₱833.37 milyon.
Nataon din ito na ipinagdiriwang ng National Irrigation Administration (NIA) ngayong araw ang ika-63 anibersaryo nito.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Pangulong Marcos Jr. ang kanyang labis na paghanga sa walang kapantay na sipag ng mga magsasaka.
Kaya, aniya, tungkulin nila sa pamahalaan na pantayan ang sipag ng mga ito.
Ayon sa Pangulo kaya gumagawa ng pasilidad ang gobyerno at nagbibigay ng kagamitan upang matiyak na hindi masasayang ang pagod at sakripisyo ng mga magsasaka.
Ang Mabini-Cayacay SRIP sa Brgy. Abaca sa bayan ng Mabini ay isa sa mga mahahalagang hakbang ng pamahalaan upang tulungan ang mga magsasaka na matagal ng umaasa lamang sa ulan.
Mahigit 700 mga magsasaka sa bayan ng Mabini at Alicia ang makikinabang ng proyektong ito.
Masusuportahan din ng proyektong ito ang irigasyon sa 530 ektaryang mga lupa para sa pananim sa limang barangay ng Mabini at Alicia.
Kabilang na dito ang Abaca, San Roque, Agipo at Cabidian sa Mabini at Cayacay sa Alicia.