Asahan na ang pagtaas ng produksyon ng mga magsasaka sa Mabini, Bohol, kasunod ng pagpapasinaya sa Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation Project.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dahil sa proyekto, inaasahang mapatutubigan nito ang higit 500 ektaryang sakahan na pakikinabangan ng mga magsasaka sa Mabini at Alicia.
Dahil masisiguro na aniya ang sapat na supply ng tubig sa mga sakahan sa lugar, inaasahang tataas ang ani ng palay at high-value vegetable crops ng mga magsasaka.
“Hindi maisasakatuparan ang lahat na ito kung wala ang tulong ng ating mga magsasaka. Kayo ang nagbibigay buhay sa ating mga pananim. Higit pa riyan, kayo ang nagbibigay-sigla sa bawat pamilyang Pilipino.” —Pangulong Marcos
Ang proyektong ito, ayon kay Pangulong Marcos ay nagkakahalaga ng higit ₱830 million, mayroong lalim na higit 32 metro, at may kapasidad na halos apat na milyong cubic meter.
Layon ng proyektong ito na matulungan ang mga magsasakang matagal nang naka-asa sa tubig ulan, upang mapalago ang kanilang mga pananim.
“Sa tulong ng mga proyektong ito, inaasahan nating mabibigyan ng serbisyo patubig ang libo-libong ektarya ng sakahan at matutulungan ang higit sa 2,400 na magsasaka.” —Pangulong Marcos