Pinag-aaralan na ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang upang mapalakas ang seguridad sa mga paaralan.
Ito ay matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong mag-aaral at pito ang nasugatan matapos ang nangyaring pamamaril ng dalawang menor de edad.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan niya ang malawakang imbestigasyon sa insidente.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa mga magulang at opisyal ng paaralan upang makuha ang kinakailangang impormasyon.
Habang inatasan ang Police Regional Office-8 (PRO 8) na magsagawa ng medical at psychological intervention sa mga naapektuhang estudyante at guro.
Samantala, sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PCOL Allen Rae Co na ang baril na ginamit ng isa sa mga suspek na menor de edad na glock 9mm pistol ay inisyu sa isang policewoman sa PRO-8 habang ang caliber 38 ay inisyu naman sa isang security agency sa Cebu City.
Nasa 40 basyo ng bala naman ang narekober sa crime scene. | ulat ni Diane Lear