Makakatulong nang malaki sa pagsasaka at pagpapatatag ng agri sector, partikular sa Bohol, ang pagsasakatuparan sa Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation project, sa Mabini, na pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw (June 22).
Ayon kay Nenita Esagre, miyembro ng Mabini- Cayacay Irrigators’ Association, malaking tulong ang proyektong ito sa pagpapatubig sa kanilang mga lupang sakahan, lalo’t sa tubig-ulan lamang nakaasa ang kanilang mga lupa at pananim.
Ayon kay Rito Muring, presidente ng samahan, panatag na sila na mayroon na silang siguradong mapagkukuhanan ng tubig, para sa kanilang mga taniman.
Habang si Elen Suelto naman, treasurer ng asosasyon, nagpaabot din ng pasasalamat sa Marcos Administration, para sa pagsasakatuparan ng mga planong una nang inilatag ng administrasyon, para sa pagsuporta sa mga magsasaka sa bansa.
Ang proyektong ito, nagkakahalaga ng higit P830 million, mayroong lalim na higit 32 metro at mayroong kapasidad na halos apat na milyong cubic meter. Layon ng proyektong ito na matulungan ang mga magsasakang matagal nang naka-asa sa tubig- ulan, upang mapalago ang kanilang mga pananim.