Nanawagan si Senador Robin padilla sa mga kapwa senador na ikonsidera at ipasa na ang kanyang pinapanukalang amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act kasunod ng shooting incident sa isang high school sa Tacloban City.
Sa panukala ni Padilla, o ang Senate Bill 372, isinusulong na ibaba sa 10-taong gulang ang minimum age of criminal responsibility mula sa kasalukuyang 15 years old.
Pinahayag din ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na isa sa mga dapat ayusin sa mga batas ng bansa ay ang Juvenile Justice and Welfare Law.
Ayon kay Go, dapat na itong ayusin agad at huwag nang hintayin na magkaroon ng panibagong trahedya na kasasangkutan ng mga menor de edad.
Bilang chairman ng Senate Committee on Youth, nanawagan din ang senador sa mga kinauuukulang ahensya ng gobyerno na magsagawa ng agaran at buong imbestigasyon kung paano nakakuha at naipasok ang baril na dala ng mga suspek na pawang mga menor de edad.
Nanawagan din si Go sa publiko na huwag magpakalat ng mga hindi kumpirmadong impormasyon para hindi madagdagan ang pangamba ng publiko.
Binigyang-diin ng senador na ang mga paaralan ay dapat na maging zones of peace and learning.
Nakakabahala aniyang ang mga estudyante ay nalalantad sa mga hindi kinakailangang panganib sa halip na makapagpokus sa kanilang pag-aaral at higit pa aniyang nakaaalarma ang mga ulat na ang mga pinaghihinalaan sa insidente ay mga menor de edad din.