Tinitingnan din ng Department of Justice (DOJ) ang posibilidad na hindi lamang simpleng kaso ng bullying ang nangyaring pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, inaalam nila kung may kaugnayan sa violent extremism ang insidente, katulad ng mga naganap na pag-atake sa ibang bansa.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad na bullying ang posibleng motibo sa karumal-dumal na pamamaril na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng marami pang iba.
Aniya, madaling maimpluwensiyahan ang mga kabataan, lalo na sa mga nakikita nila online.
Inihalimbawa rin ni Martinez ang Columbine High School shooting noong 1999, na nagresulta sa pagkasawi ng 13 katao.