Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang 5 dayuhan sa isang operasyon sa isang condominium sa Parañaque City matapos i-raid ang isang hinihinalang online scam hub.
Base sa intelligence report ng BI, isinasagawa ang pangloloko sa nasabing lugar para sa umano’y “love scam” at cryptocurrency-related fraud activities.
Kinilala ang mga naaresto na sina Chinese nationals Tang Shun , Malaysian national Chia Kong Loon, at mga Burmese nationals na sina Kum Htoi, Myo Oo, at Kyaw Tint Lwin.
Batay sa imbestigasyon, nadiskubre umano na may paglabag sa Philippine immigration laws ang mga dayuhan.
May ulat din na ginagamit ang ilang condominium units para sa ilegal na online operations at may mga manggagawang hindi pinapayagang makaalis sa lugar.
Nasa kustodiya na ng BI ang 5 dayuhan para sa dokumentasyon habang hinihintay ang deportation at iba pang immigration proceedings. | ulat ni DK Zarate