Ipinauubaya na ng Department of Justice (DOJ) sa Kongreso ang usapin ng pagpapababa sa minimum age of criminal responsibility sa bansa.
Kasunod ito ng panawagan ng ilan na ibaba ang edad ng criminal responsibility upang mapanagot ang mga kabataang lumalabag sa batas, matapos ang insidente ng school shooting sa Tacloban City kahapon.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, hindi maaaring magbigay ng komento ang kagawaran tungkol sa usapin dahil bahagi ito ng ehekutibong sangay ng pamahalaan at hindi ng lehislatura.
Aniya, mayroon nang mga umiiral na mekanismo sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act upang matukoy ang maaaring pananagutan ng mga menor de edad, depende sa kanilang edad at sa mga ebidensiyang makakalap sa imbestigasyon.