Supreme Court PH
Pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang isang patakaran ng Government Service Insurance System (GSIS).
Ito ay ang pag-aalis ng karapatan ng secondary beneficiaries na makatanggap ng survivorship benefits mula sa mga yumaong miyembro na may 3 hanggang wala pang 15 taon ng serbisyo.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting, idineklara ng Third Division ng Korte Suprema na ang Section 24.2.2 ng Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 8291 o GSIS Act of 1997 ay lampas sa kapangyarihan ng GSIS, kaya’t hindi ito maaaring ipatupad dahil salungat ito sa umiiral na batas.
Tulad ng reklamo ni Petronilo Laroco na hindi nakapag claim ng survivorship benefits para sa kanyang anak na si Cristie Laroco, isang public school teacher na may 13 taon ng serbisyo sa gobyerno at 12 taong kontribusyon sa GSIS na namatay na dalaga at walang anak.
Ayon sa SC, tinanggihan ng GSIS ang kanyang aplikasyon dahil hindi siya itinuturing na primary beneficiary at dahil kulang sa 15 taon ng serbisyo ang yumaong miyembro, alinsunod sa kanilang IRR.
Pinagtibay ng Court of Appeals ang desisyon ng GSIS kaya umakyat sa Korte Suprema ang kaso.
Sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, sinabi nito na sa ilalim ng GSIS Act, maaaring makatanggap ng survivorship benefits ang secondary beneficiaries kung walang primary beneficiaries, dependent sila, nasa serbisyo ang miyembro sa oras ng kamatayan, at may hindi bababa sa tatlong taon ng serbisyo.
Ayon sa SC wala sa batas ang ipinatupad ng GSIS na kinakailangan ang year service requirement para sa secondary beneficiaries. | ulat ni DK Zarate