Photo courtesy of House of Representative
Nakiisa si Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa buong bansa sa pagdadalamhati para sa mga biktima ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Kasabay nito, binigyang-diin ng lider ng Kamara ang agarang pangangailangan na patatagin ang mga hakbang upang maiwasan ang karahasan at mapanatiling ligtas ang mga paaralan.
Ayon kay Dy, labis na nakababahala ang ano mang uri ng karahasan na kumikitil sa buhay ng mga kabataan at sumisira sa kapayapaan sa mga eskwelahan.
Aniya, dapat manatiling lugar ng kaalaman, seguridad, at oportunidad para sa bawat batang Pilipino ang mga paaralan.
Apat na mag-aaral ang naiulat na nasawi at ilang bata naman ang sugatan sa pamamaril na naganap nitong Lunes ng umaga, sa loob mismo ng campus.
Suportado rin ng House leader ang isinasagawang imbestigasyon upang lumabas ang katotohanan, magkaroon ng pananagutan sa batas, at matukoy ang mga polisiya upang hindi na ito muling maulit.
Nanawagan din si Dy sa mga ahensya ng gobyerno, mga guro, magulang, at lokal na komunidad na paigtingin ang mga programa para sa kapakanan ng mga mag-aaral, partikular na sa mental health, conflict resolution, at early intervention.
Nakahanda naman aniya ang Kamara na suportahan ang mga batas at programa na magsusulong sa kaligtasan at proteksyon ng kabataang Pilipino.