Photo courtesy of Maginoo-Mandirigma Filipino Martial Arts School
Ang Filipino Martial Arts (FMA) o “Pananandata” ay hindi lang simpleng pagpapalakas ng katawan. Isa itong pambansang sining na dumadaloy sa kasaysayan ng ating mga sundalo at pulis at kinikilala rin sa ibang bansa bilang pundasyon ng matitinding security tactics.
Sa bawat pagsasanay, makikita ang bakas ng ating kasaysayan. Hindi nabuo ang Arnis sa isang vacuum; hinubog ito ng iba’t ibang kulturang nakaimpluwensya sa atin sa paglipas ng panahon.
Nariyan ang impluwensya ng mga Kastila, kung saan umusbong ang “Eskrima” mula sa pagtuturo ng mga paring sundalo na tinatawag na “El Padre Kapitan.” Patunay ito na ang ating sining ay marunong mag-adapt at yumabong sa gitna ng pagbabago. Isa sa mga pinakakamanghang prinsipyo ng sining na ito ay ang paniniwalang “ang lahat ay armas.”
Ang payak na kawayan o rattan ay nagsisilbing extension lamang ng katawan. Ang galaw na ginagamit sa baston ay maaari ring iangkop sa kutsilyo, sa “bungkaw” o sibat, o kahit sa simpleng balabal o “sarong” na ginagamit noon sa Mindanao. Maging ang mga kamay ay may sariling bagsik sa pamamagitan ng “Panuntukan,” na nagpapakita na ang tunay na lakas ng mandirigma ay hindi lang nasa hawak niyang sandata, kundi nasa kanyang isip at disiplina.
Mula sa programang Iskultura, binigyang-diin ni Mr. Jaime Paterno De Laza, founder at head instructor ng Maginoo-Mandirigma Filipino Martial Arts School, ang kahalagahan ng pagsisimula ng disiplina sa murang edad. Sa edad na lima, maaari nang matutunan ang paghahabi ng “Sinawali”, isang pattern ng paghataw na hango sa anyo ng sawaling kawayan.
Sa simpleng pag-eensayo ng bawat “ekis” ng baston, hindi lang depensa ang nahuhubog kundi pati karakter, respeto, at pagpipigil sa sarili. Kaya kung iniisip mong ang Arnis ay para lamang sa mga pelikulang aksyon o lumang kuwento, nagkakamali ka.

Mula sa mga Katipunerong gumagamit ng “Singkoteros” hanggang sa mga modernong pelikula tulad ng The Bourne Identity, nananatiling buhay at patuloy na sumasabay sa agos ng panahon ang ating sining.
Gaya ng paanyaya ni Sir Jaime, ang pag-aaral ng Arnis ay hindi lang tungkol sa pakikipaglaban—ito ay pagbabalik sa ating pinagmulan. Hindi ito basta paghataw ng kahoy. Isa itong buhay na patunay na ang ating kabayanihan ay hindi lang nakaukit sa mga monumento, kundi nararamdaman sa bawat galaw, bawat disiplina, at bawat pagkilala sa ating sariling kultura.