Photo courtesy of NCDA/Facebook
Pinaigting ng National Council on Disability Affairs (NCDA), kasama ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), at Department of Social Welfare and Development – Protective Service Bureau (DSWD-PSB), ang mga hakbang laban sa online exploitation ng persons with disabilities (PWD). Ito ay bilang tugon sa dumaraming content sa social media na nang-aabuso sa mga PWD para sa views at kita.
Kabilang sa mga binigyang-pansin ang umano’y pananamantala sa mga taong may down syndrome at intellectual disabilities, gayundin ang mga online community na nang-aabuso sa mga babaeng may kapansanan.
Ayon sa NCDA, ang objectification, panlalait at emotional abuse sa mga PWD ay maaaring lumabag sa Republic Act No. 7277 o Magna Carta for Disabled Persons at Cybercrime Prevention Act of 2012.
Magpapatupad din ng website audits at automated detection systems ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at CICC, kasama ang mas mabilis na data preservation at pag-takedown ng mga lumalabag na account.
Samantala, magbibigay ang NCDA at DSWD-PSB ng social welfare support at alternative livelihood programs para sa mga PWD na naging biktima ng online exploitation.

Hinimok naman ng NCDA ang publiko na i-report ang mga exploitative content at igalang ang karapatan ng mga PWD sa digital spaces.