Maaaring makatulong ang planong initial public offering o IPO ng Mynt Inc. para mapalawak pa ang serbisyo ng GCash at maabot ang mas maraming Pilipinong kulang sa access sa tradisyonal na serbisyong pinansiyal.
Ayon kay financial analyst Michael L. Ricafort, maaaring gamitin ang pondong malilikom sa IPO para palawakin ang digital financial services ng GCash at suportahan ang financial inclusion sa bansa.
Batay sa datos na binanggit sa ulat, nasa 42 hanggang 50 porsiyento ng mga adult pinoys ang wala pa ring pormal na account sa bangko o financial institution noong unang bahagi ng 2026.
Naaprubahan na ng Philippine Stock Exchange o PSE ang listing application ng Mynt, na may indikasyong presyong hanggang 10 piso kada share.
Posibleng makalikom ang IPO ng hanggang 92.32 bilyong piso kapag lubusang nagamit ang overallotment option. Nakatakdang itakda ang pinal na presyo ng IPO sa Oktubre 1, habang target ang listing sa PSE sa Oktubre 20.