Nanawagan si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez sa Department of Education (DepEd) at Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang umano’y panghahalay ng ilang guro sa mga estudyante sa Parañaque National High School-Main.
Sa inilabas na Facebook post at pahayag ni Mayor Olivarez, kinondena rin niya ang insidente.
Ayon sa alkalde, hindi dapat nangyayari ang ganitong mga insidente sa paaralan, na dapat ay isang ligtas na lugar para sa mga kabataan.
Ang pahayag ni Olivarez ay inilabas isang araw matapos sabihin ng DepEd Schools Division of Parañaque na seryoso nilang iniimbestigahan ang mga alegasyong kumalat sa social media kaugnay ng umano’y panghahalay.
Ayon pa sa Schools Division, handa silang magsagawa ng kaukulang legal o administratibong aksyon kung mapatutunayang may pananagutan ang sinuman sa insidente.
Hinihikayat naman ang mga saksi o sinumang may impormasyon tungkol sa isyu na lumapit sa Schools Division upang makatulong sa kanilang imbestigasyon.