Sino nga ba sina Leon at Galicano Apacible at bakit sila mayroong museo?
Ibinahagi ni Mr. Kristoffer Xeirem Mendoza, ang acting shrine curator at museum guide ng Museo nina Leon at Galicano Apacible, sa programang Iskultura ang talambuhay ng magkapatid na Leon at Galicano Apacible at ang kanilang naging ambag sa ating kasaysayan.
Ipinanganak noong October 25, 1861, sa Balayan, Batangas, nina Vicente Apacible at Catalino Castillo ang kanilang panganay na anak na si Leon Apacible. Siya ay nagkaroon ng lisensiya sa hurisprudensiya noong 1886 sa Batangas kung saan siya ay naging hukom at naging katulong sa pagtatatag ng lalawigan ng Batangas noong panahon ng himagsikan.
Ipinatapon sa Mountain Province mula 1892 hanggang 1897 dahil siya ay pinaghihinalaang nag-aaklas. Makalipas ang limang taon ng pagpapatapon, bumalik si Leon sa Batangas at sumali sa rebolusyon kung saan siya ay naging kanang-kamay ni General Miguel Malvar.
Habang ang kaniyang bunsong kapatid naman na si Galicano Apacible ay ipinanganak noong June 25, 1864. Siya ay nag-aral ng medisina sa Unibersidad ng Sto. Tomas na kaniyang ipinagpatuloy sa Spain.
Nang matapos ni Galicano ang kaniyang pag-aaral, siya’y nagtago sa Hong Kong kasama ang ilan pang ilustrado dahil sa pagpapatapon ng kaniyang kapatid sa Mountain Province. Dito siya naging ikalawang diplomat ng Pilipinas, kasunod ni Felipe Agoncillo, at ipinagpatuloy ang katungkulan niya noong ipinadala si Felipe sa Paris.
Inalagaan ng pamilya nina Leon at Galicano ang Apacible Mansion na kalaunan ay binuksan sa publiko noong 1970. Pagkatapos ng anim na taon ay ibinigay ng kanilang apo na si Corazon Apacible ang mansyon sa National Historical Institute (NHI), na mas kilala ngayon bilang National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ang buong bahay kasama ng mga kagamitan nito.
Ang Museo nina Leon at Galicano Apacible sa Taal, Batangas ay isang makasaysayang bahay-na-bato na nagtatampok sa buhay, kontribusyon, at legasiya ng magkapatid na bayani noong panahon ng himagsikan.
Orihinal na itinayo noong ika-18 siglo bilang tradisyunal na bahay-na-bato, sumailalim ito sa malaking renovasyon noong dekada 1930 kung saan hinaluan ito ng Art Deco design. Dahil dito, natatangi ang porma nito kumpara sa iba pang mga purong Spanish-colonial houses sa heritage town ng Taal. Mayroon itong dalawang palapag, malalaking bintanang gawa sa kapis, sahig na gawa sa marmol sa ilang bahagi, at matitibay na kahoy.

Bukas ang Museo nina Leon at Galicano Apacible mula Martes hanggang Linggo, mula ika-8 ng umaga hanggang ika-4 ng hapon. Libreng makakapasyal ang mga bisita sa loob ng museo.