Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government unit (LGU) na paigtingin ang kanilang paghahanda kasunod ng opisyal na pagsisimula ng tag-ulan na idineklara ng PAGASA.
Ayon sa DILG, dapat agad magsagawa ng mga hakbang ang mga LGU upang mabawasan ang mga panganib na dulot ng malalakas na pag-ulan, Habagat, at iba pang sama ng panahon.
Kabilang sa mga ipinag-utos ang mahigpit na pagsubaybay sa mga weather bulletin ng PAGASA, pagpapalakas ng koordinasyon sa mga disaster management office, at agarang pagpapalaganap ng mga babala sa publiko.
Binigyang-diin din ng kagawaran ang pagpapatupad ng mandatory evacuation sa mga lugar na mataas ang panganib ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Bilang suporta sa Oplan Kontra Baha, inatasan din ang mga LGU na magsagawa ng paglilinis at declogging ng mga kanal, estero, at drainage system.
Tiniyak ng DILG na dapat manatiling handa ang mga evacuation center, rescue team, at emergency response unit upang maprotektahan ang mga komunidad ngayong panahon ng tag-ulan.