Pormal nang sinampahan ng kapulisan nitong Hunyo 23, ng patung-patong na kasong kriminal ang 15-anyos na child in conflict with the law (CICL) na sangkot sa madugong pamamaril sa San Jose National High School, Tacloban City noong Lunes na ikinasawi ng tatlong mag-aaral at ikinasugat ng 20 iba pa.
Nahaharap ang suspek sa tatlong counts ng murder, tatlong counts ng frustrated murder, at maramihang bilang ng serious physical injuries. Isinagawa ang inquest proceedings sa Bulwagan ng Katarungan sa lungsod kagabi matapos dalhin doon ang menor de edad kasama ang mga saksi.
Samantala, libre naman sa anumang pananagutang kriminal ang kasama nitong 14-anyos na CICL dahil sa kaniyang edad, alinsunod sa probisyon ng batas. Gayunpaman, kasalukuyan na siyang nasa ilalim ng pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at nakatakdang ilagak sa Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) sa Tanauan, Leyte para sa kaukulang interbensyon.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 8 (PRO-8), positibong may bakas ng gun powder nitrates ang kanang kamay ng dalawang menor de edad matapos isailalim sa paraffin test. Lumabas na positibo rin ang mga narekober na armas na ginamit sa krimen.
Sa ngayon, ang kaso ay nasa hurisdiksyon na ng Prosecutor’s Office para sa gagawing assessment at evaluation.
📸: PRTV Tacloban