Magkakasa ang Senado ng imbestigasyon kaugnay ng nangyaring shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City, kung saan dalawang menor de edad ang umano’y nakapatay ng tatlong kapwa menor de edad at nakasugat pa ng ilan.
Inanunsyo ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Senadora Risa Hontiveros na bubuksan nila ang imbestigasyon sa Hulyo 1.
Ayon kay Hontiveros, layunin ng Senate inquiry na alamin kung may papel ang mga online platform sa pagkalat ng mararahas na ideya.
Pinunto niya na nagiging pugad na ang ilang online platform ng mga grupong umano’y nangbe-brainwash sa mga kabataan at nagra-radicalize sa mga ito.
Ang gagawing pagdinig ay bahagi ng follow-up sa nauna nang pagdinig ng komite noong Abril 14, kung saan lumitaw na may ilang online platform at online spaces na nagagamit sa grooming, manipulasyon, at radicalization ng mga kabataan tungo sa karahasan.
Giit ni Hontiveros, hindi nila hihintaying magkaroon pa ng mga panibagong biktima bago kumilos. Dapat aniya ay makapasok ang bawat bata sa paaralan nang ligtas at makauwi ring ligtas sa kanilang pamilya.