Nanawagan ang ilang senador na paigtingin ang mga hakbang para sa kaligtasan sa mga paaralan at palawakin ang mental health support para sa mga kabataan kasunod ng shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilan pa.
Mariing kinondena nina Senador Mark Villar, Senadora Camille Villar, at Senadora Loren Legarda ang insidente at nagpahayag ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi, gayundin ng panalangin para sa agarang paggaling ng mga nasugatan.
Ayon kay Senador Mark Villar, hindi dapat mangyari ang ganitong karahasan sa loob ng paaralan, na dapat ay ligtas na lugar para sa pag-aaral at paghubog ng kinabukasan ng mga kabataan.
Binigyang-diin naman ni Senadora Camille Villar ang pangangailangang repasuhin ang umiiral na school safety protocols, anti-bullying measures, counseling services, at intervention programs para sa mga kabataang nasa panganib.
Aniya, mahalaga ring palakasin ang koordinasyon ng mga paaralan, lokal na pamahalaan, law enforcement agencies, at mga komunidad upang maiwasan ang mga kahalintulad na trahedya.
Tinukoy rin ng senadora ang lumalaking hamon sa mental health ng mga kabataan, kabilang ang mga suliraning emosyonal, bullying, at iba pang psychological problems na madalas, aniya, ay hindi agad natutugunan.
Kaugnay nito, isinusulong niya ang panukalang magtalaga ng Mental Health Officer sa bawat lungsod at munisipalidad upang mangasiwa sa mga mental health program sa komunidad.
Samantala, sinabi ni Senadora Loren Legarda na ang insidente ay nagpapakita ng pangangailangang tutukan ang mga usapin ng karahasan, mental health, at access ng mga menor de edad sa mga baril.
Ayon kay Legarda, ang katotohanang mga menor de edad din ang mga suspek ay dapat magsilbing babala na may mga senyales at problemang hindi agad natutugunan ng mga institusyong dapat na nagpoprotekta sa mga kabataan.