Nagtungo muli sa Senado ang House prosecution panel, mga private prosecutor, at mga defense counsel ni Vice President Sara Duterte para sa ikatlong araw ng pre-trial conference kung saan minamarkahan ang mga ebidensiya para sa impeachment trial ng bise presidente.
Sa panayam, sinabi ni lead prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro na maayos na naisagawa ang ikalawang araw ng pre-trial conference kahapon at wala namang naging pagtatalo sa pagitan ng magkabilang panig.
Nais sana nilang matapos ngayong ikatlong araw ang pagmamarka ng mga ebidensiya, ngunit aminado siyang malabong mangyari ito dahil sa libu-libong ebidensiyang kailangan pang markahan.
Partikular umano ito sa Article I, na may kinalaman sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, at sa Article II, na tumatalakay sa paratang ng unexplained wealth laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Luistro na iminungkahi nila ang paggamit ng common marking para sa mga exhibit dahil magkapareho lamang ang ilang dokumentong gagamitin ng magkabilang panig.
Gayunman, hindi ito sinang-ayunan ng defense team kaya magkahiwalay pa rin ang pagmamarka sa mga ebidensiya.
Samantala, sinabi ni Atty. Michael Poa, defense counsel ni Vice President Duterte, na malabong matapos ngayong araw ang pre-trial conference.
Tungkol naman sa pagtanggi sa common marking ng mga exhibit, sinabi ni Poa na nagiging maingat lamang sila sa mga dokumento at nais nilang gamitin ang sarili nilang mga kopya kahit kapareho lamang ng nasa prosekusyon.