Senate of the Philippines
Nanawagan si Senador JV Ejercito na muling suriin ang mga umiiral na batas kaugnay ng pagmamay-ari at paghawak ng baril matapos ang insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng iba pa.
Ayon kay Ejercito, dapat mabigyang-linaw kung paano nagkaroon ng access sa mga baril ang mga menor de edad na sangkot sa insidente.
Aniya, kinakailangang paigtingin din ang kampanya laban sa mga loose firearm at papanagutin ang mga responsable, kabilang ang mga rehistradong may-ari ng baril kung mapatutunayang may paglabag sa batas.
Binigyang-diin ng senador na ang mga paaralan ay dapat manatiling ligtas na lugar para sa pag-aaral at hindi maging sentro ng karahasan.
Hinikayat din niya ang Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente.
Iminungkahi rin ni Ejercito na suriin ang psychological condition ng mga sangkot upang matukoy ang mga posibleng dahilan ng krimen.
Nanawagan din siya ng mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng PNP, Department of Education (DepEd), at mga lokal na pamahalaan upang mapalakas ang seguridad, mga security protocol, at crisis management sa mga paaralan.
Nagpaabot naman ang senador ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi at tiniyak na handang tumulong ang Senado upang makamit ang hustisya at maiwasan ang pag-ulit ng mga kahalintulad na trahedya.