Nanawagan sina Senador Bam Aquino at Senador Kiko Pangilinan ng mas mahigpit na seguridad at agarang hustisya matapos ang pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng dalawang estudyante at ikinasugat ng ilan pa.
Ayon kay Aquino, dapat manatiling ligtas na lugar para sa pag-aaral ang mga paaralan at hindi maging lugar ng takot at karahasan.
Nakiramay rin siya sa mga pamilya ng mga nasawi at nasugatan sa insidente.
Binigyang-diin ni Aquino na hindi dapat maging pangkaraniwan sa bansa ang mga school shooting at kailangang alamin kung paano nakapasok sa paaralan ang mga armas na ginamit sa krimen.
Aniya, tatalakayin ng pinamumunuan niyang Senate Committee on Basic Education ang insidente bilang bahagi ng pagsusuri sa School Safety Act upang makapaglatag ng mga hakbang na makapipigil sa mga kahalintulad na trahedya at makatitiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Samantala, mariing kinondena ni Senador Kiko Pangilinan ang pamamaril at nanawagan ng mabilis at wastong pagpapatupad ng Juvenile Justice and Welfare Act.
Aniya, hindi dapat pakawalan ang mga suspek kahit menor de edad at dapat silang sumailalim sa prosesong itinakda ng batas.
Dagdag pa ni Pangilinan, maaaring managot ang mga magulang ng mga suspek kung mapatutunayang nagpabaya ang mga ito.
Iginiit din niya na dapat mabigyan ng sapat na suporta ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga biktima at kanilang mga pamilya hanggang makamit nila ang hustisya.