Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na nakatutok ang mga imbestigador sa pagbuo ng accurate na paglalahad ng mga pangyayari sa insidente ng pagkasawi ng dalawang basketball player ng Ateneo de Manila University na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa Dipaculao, Aurora.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., mahalagang malinaw at kumpleto ang lahat ng impormasyong nakakalap ng mga awtoridad kaya hindi minamadali ng PNP ang pagbuo ng anumang konklusyon sa kaso.
Aniya, masusing sinusuri ang bawat ebidensya at pahayag upang mabigyang-linaw ang mga pangyayari at maibigay ang nararapat na sagot sa mga pamilya ng mga biktima at sa publiko.
Binigyang-diin din ni Nartatez na patuloy na gagamit ang PNP ng scientific investigative techniques upang matiyak ang patas at masusing imbestigasyon.
Matatandaang nagsagawa ngayong araw ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), katuwang ang iba pang unit ng PNP ng crime scene reconstruction sa lugar ng insidente kung saan ginamit ang sonar technology at 3D scanning tools upang makatulong sa pagtukoy sa buong pangyayari sa trahedya. | ulat ni Diane Lear