Itinuturing ng Department of Education (DepEd) bilang isang isolated case ang kaso ng pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City.
Sa panayam ng Mark In, Mark Out kay Education Undersecretary Dr. Malcom Garma, sinabi nitong maituturing na isolated case ang shooting incident dahil sa dami ng mga paaralan sa bansa.
Kakambal nito, aminado ang DepEd na kailangan na talaga ng mayorya ng mga paaralan na pataasin ang lebel ng kanilang seguridad, bagay na tinututukan na ng DepEd katuwang ang iba pang ahensiya at maging ang mga lokal na pamahalaan.
Inaksiyunan na rin ng DepEd ang pagbibigay ng psychosocial intervention at first-aid sa mga nakasaksi sa pamamaril, lalo na ang mga estudyante.
Nais na ring tutukan ng DepEd, ayon kay Garma, ang malalimang imbestigasyon sa nangyaring pamamaril upang matukoy ang motibo ng mga batang may sala at humantong ito sa malagim na insidente.