Pinangunahan ni Department of Education (DepEd) Undersecretary for Administration Atty. Mel John I. Verzosa ang inspeksyon sa natapos nang mga proyekto ng Luzong Sur Bridge at San Blas Bridge sa Bangar, La Union noong Hunyo 24 upang suriin ang mga benepisyong hatid ng mga ito sa mga mag-aaral, guro, at komunidad.
Kasama ang mga opisyal mula sa DepEd Region 1, DepEd La Union, Department of Public Works and Highways (DPWH) La Union 1st District Engineering Office, at Provincial Government of La Union, binisita ni Verzosa ang dalawang tulay na nagsisilbing mahalagang daanan ng mga residente at mga mag-aaral sa kahabaan ng Manila North Road.
Kabilang sa sinuri ang ₱27.8-milyong Luzong Sur Bridge widening project sa Barangay Rissing na pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) para sa Fiscal Year 2025. Layunin ng proyekto na magbigay ng mas ligtas at mas maginhawang paglalakbay para sa mga residente at mag-aaral mula sa katimugang bahagi ng lalawigan.
Samantala, binisita rin ang ₱19.6-milyong San Blas Bridge project, na binubuo ng apat na linyang single-span flat slab bridge na may kasamang approach roads at slope protection structures.
Bukod sa pagpapabuti ng daloy ng trapiko, inaasahan ding makatutulong ito sa pagpapataas ng drainage capacity ng lugar at sa pagbawas ng panganib ng pagbaha sa kahabaan ng Manila North Road.
Ayon sa mga opisyal, mahalagang bahagi ng pagpapabuti ng access sa edukasyon ang mga proyektong pang-imprastraktura gaya ng mga tulay dahil pinadadali nito ang ligtas at mabilis na pagbiyahe ng mga mag-aaral, guro, at iba pang miyembro ng komunidad.
Kabilang sa mga direktang nakikinabang sa mga proyekto ang mga mag-aaral ng Luzong Sur Integrated School at Doña Francisca Lacsamana de Ortega Memorial National High School.
Binigyang-diin din sa inspeksyon na ang mga natapos na proyekto ay hindi lamang nagpapahusay sa konektibidad at kaligtasan sa paglalakbay kundi nakatutulong din sa patuloy na pagsusulong ng dekalidad at mas accessible na edukasyon sa mga komunidad ng Bangar at mga karatig-bayan.