Muling nagtungo sa Quezon City si First Lady Liza Araneta-Marcos ngayong araw para ipagpatuloy ang “Mula sa Puso Para sa Pamilya” rice distribution drive ng pamahalaan.
Ikatlong araw na ito ng pag-iikot ng programa kung saan kabilang sa mga benepisyaryo ang mga residente ng Barangay Bagong Pag-asa.
Sa kabila ng maulang panahon, mainit na sinalubong ng mga residente ang unang ginang na nagbahagi ng mensahe ng suporta at malasakit.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni First Lady Liza Araneta-Marcos na bilang isang ina, nauunawaan niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na pagkain sa hapag ng bawat pamilya.
Umaasa siyang makatutulong ang natanggap na 10 kilong bigas mula sa pamahalaan para mabawasan ang pang-araw-araw na alalahanin ng mga benepisyaryo.
Mahigit 1,300 residente mula sa Barangay Bagong Pag-asa ang nakatanggap ng libreng bigas, kabilang ang mga senior citizen, solo parents, benepisyaryo ng 4Ps, at iba pang kabilang sa vulnerable sector.
Isa sa mga benepisyaryo si Tatay Guillermo na nagpasalamat dahil malaking tulong umano ang natanggap na bigas at hindi na niya iisipin ang pambili nito.
Si Nanay Juliet, hindi rin daw makakalimutan ang pagkakataong ito lalo na’t tinulungan pa siya ng Unang Ginang sa pagbuhat ng bigas.
Naglaan din ng oras ang Unang Ginang para kamustahin ang ilang benepisyaryo at pakinggan ang kanilang kalagayan.
Sa kabuuan, nasa 210,000 benepisyaryo sa Quezon City ang makatatanggap ng libreng bigas sa apat na tranche sa ilalim ng Local Government Support Fund.