Abiso sa mga motorista. Pansamantalang isasara sa mga motorista ang ilang mga kalsada sa Lungsod ng Maynila para sa isasagawang State of the City Address at pagdiriwang ng ika-455 Araw ng Maynila ngayong araw.
Batay sa abiso ng Manila Public Information Office, kabilang sa mga isasara ang mga kalsada sa paligid ng Quirino Grandstand simula mamayang alas-12 ng tanghali.
Partikular na rito ang bahagi ng South Drive mula Roxas Boulevard hanggang Independence Road at Katigbak Drive mula Roxas Boulevard hanggang Independence Road.
Ilang kalsada rin malapit sa Quirino Grandstand ang magsisilbing parking area para sa mga dadalo sa aktibidad kabilang na ang bahagi ng Roxas Boulevard Service Road, T. M. Kalaw Avenue mula Roxas Boulevard hanggang Maria Orosa Street, Maria Orosa Street (southbound) mula P. Burgos Avenue hanggang T. M. Kalaw Avenue, at Bonifacio Drive (northbound).
Pinapayuhan ng Manila PIO ang publiko na umiwas muna sa mga nabanggit na lugar at humanap ng alternatibong ruta upang hindi maipit sa mabigat na trapiko.