Posible umanong matagal nang nakararanas ng pambu-bully ang dalawang menor-de-edad na suspek sa nangyaring shooting spree sa San Jose National High School sa Tacloban City kamakalawa.
Ito ang tinuran ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla batay sa naging resulta ng paunang imbestigasyon.
Sa panayam kay Remulla sa Kampo Crame, lumutang din sa imbestigasyon ang posibleng impluwensya ng video games sa naging kilos ng children in conflict with the law (CICL).
Aniya, sinisilip na rin ang pananagutan ng mga magulang at guardian ng mga batang suspek matapos magkaroon ng access sa baril kung saan, hindi rehistrado ang isa sa mga baril at peke ang serial number.
Samantala, sinabi ni Remulla na ikinokonsulta pa nila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung maaari bang litisin bilang adult ang 15-taong gulang na suspek dahil lumalabas na dalawang araw umanong pinagplanuhan ang krimen.
Kasunod nito, suportado rin ni Remulla ang pagrepaso sa Juvenile Justice Law at pagsusuri sa mga polisiya laban sa bullying upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Samantala, kinumpirma naman ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na nai-refer na sa Office of the Prosecutor ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa 15-anyos na si alyas “Rod” na isa sa mga namaril.
Aniya, tig-3 patong ng kasong Murder, Frustrated Murder, at Multiple Counts of Serious Physical Injuries ang inihain sa Prosecutor laban kay alyas “Rod.”
Mananatili naman sa kustodiya ng DSWD Regional Rehabilitation for Youth ang dalawang CICL.