Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magpapatuloy ang pagpapatupad ng mga kinakailangang hakbang kaugnay ng pagsuko ng mga baril na nakarehistro kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ito ay matapos na magsuko ang kampo ng senador ng karagdagang anim na baril noong June 22 sa Silang, Cavite.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang pinakahuling turnover ng anim na baril ng kampo ni Dela Rosa ay nagdala sa kabuuang bilang na 26 na mga isinukong armas ng senador.
Pero bahagi pa lamang ito ng kinakailangang pagsunod sa batas matapos bawiin ang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) ni Dela Rosa.
Ang binawing LTOPF ng senador ay sumasaklaw sa 117 rehistradong baril. Sa ngayon, patuloy na hinahanap ng pulisya si Dela Rosa kaugnay ng umiiral na warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.