Naghain ng panukalang batas si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Representative Leila de Lima na naglalayong ipagbawal sa lahat ng telecommunications companies ang pagpataw ng expiration date sa mga prepaid load at data credits.
Sa pamamagitan ng House Bill (HB) No. 9903 o ang “Prepaid Load Forever Act,” na hango sa Senate Bill No. 1095 ni Senate President Sherwin Gatchalian, idedeklarang iligal ang pag-expire ng load, pagbawi sa hindi nagagamit na credits ng mga aktibong account, at ang hindi pagbabalik ng perang nakaltas nang walang wastong rason.
Ayon kay De Lima, malinaw na hindi ito makatarungan sa mga consumers.
Kwinestyon din ni De Lima kung bakit may expiration ang paggamit ng load na binili na nila dahil lugi ang mga konsumer sa sistemang ito.
Sa ilalim ng kasalukuyang patakaran ng National Telecommunications Commission (NTC), Department of Information and Communications Technology (DICT), at Department of Trade and Industry
(DTI) Joint Memorandum Circular No. 05-12-2017, may isang taong validity period ang lahat ng prepaid load anoman ang halaga nito.
Ayon kay De Lima, nagreresulta ito sa taunang pagkawala ng bilyon-bilyong pisong ari-arian ng mga ordinaryong mamamayan na napupunta lang sa mga telco.
Bukod sa load expiration, isinusulong din ng mambabatas mula sa Bicol ang House Bill 9859.
Layunin nitong gawing institusyonal ang pagkakaloob ng 20% discount sa mobile load, text, call, at internet services para sa mga estudyanteng Pilipino mula elementarya, sekundarya, tech-voc, hanggang kolehiyo, maliban sa postgraduate programs.
