Pormal nang inihain ni Committee on Public Order and Safety Chair at Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” Valeriano, ang House Resolution No. 1146 upang imbestigahan ang serye ng karahasan sa mga paaralan.
Sentro ng imbestigasyon ang naganap na madugong pamamaril sa Tacloban at mga pananaksak sa Cavite.
Ayon kay Valeriano, matagal nang isyu ang problema sa seguridad sa mga campus na nagresulta sa pagkamatay at pagkakasugat ng maraming guro at estudyante sa nakalipas na mga taon.
Ayon kay Valeriano mahahaba na ang listahan ng kapabayaan at kakulangan sa mga pampublikong paaralan na nagiging mitsa ng krimen.
Kabilang dito ang sirang bakod at walang guwardiya, kakulangan sa mental staff, walang First Aid at “inappropriate romantic relationships” sa pagitan ng nga estudyante at guro.
Hindi rin pinalampas ni Valeriano ang pamunuan ng DepEd-Tacloban ang school principal at city schools superintendent na aniya dapat humarap sa imbestigasyon.
Iginiit din ni Valeriano na makasuhan ang may-ari ng baril, kumpirmahin ang totoong edad ng mga batang sangkot sa krimen, at papanagutin ang mga magulang at guro dahil sa kapabayaan.